Sa lahat ng mahilig magblog at magbasa ng mga blog: propesyunal, guro, magulang, tambay, kamag anak, adik, relihiyoso at illuminati isang mapayamang araw-gabi sa inyong lahat.
Napakabilis talaga ng panahon at oras, parang kailan lang nung una kong inihakbang ang aking mga paa papasok ng Paaralang San Jose National High School, "first day high" ika nga nila at ngayon ay dumating na ang oras ng paghakbang palabas ng paaralang ito na naghuhudyat ng isang panandaliang kalungkutan sa lahat ---ang araw na ating pagtatapos sa hayskul.
Bago ang lahat, ay nais ko munang pasalamatan ang mga magulang na narito, guro't punong-guro ng SJNHS, mga kapwa ko nagsipagtapos at lahat ng nagbigay kulay sa buhay ko sa taong panuruan 2008-2012.
Una na muna sa lahat Poong Maykapal na Siyang nagdisenyo ng bawat isa sa atin, labis ang aking pasasalamat sa pag iingat Niya sa atin sa araw-araw nang ating pagpasok sa paaralan at pag uwi sa ating mga tahanan, sa Kanyang mga biyaya na ibinibigay sa atin sa kabila ng ating mga kapalaluan at madalas na pagsuway sa Kanyang mga gintong kautusan at sa patuloy Niyang paggabay sa ating lahat sa maliwanag at tuwid na landas na ibig Niya para sa ating lahat, sa madalas makaalala at makalimot sa Kanya, sa patuloy Niyang pagpapatawad, pagmamahal at pag-alalay sa atin sa panahon na ramdam natin ang krus ng kalbaryo, Lord God "salamat po!".
Sa lahat ng "stage parent" na narito (nakakabasa nito) na walang sawang sumuporta sa bawat isa sa amin sa loob ng apat na taon sa hayskul, ang inyong mga pangaral, pabaon at mga di matatawarang pagsasakripisyo na inyong ginawa upang mapagtagumpayan naming maabot unti-unti ang aming mga pangarap at maging kaisa sa natatanging pagtitipon na ito, ang diploma ng aming pagtatapos ay masaya naming inaaalay sa inyo bilang isang simpleng regalo sa lahat ng hirap at pagsubok na ating nalagpasan. Salamat po sa taos pusong suporta at pagmamahal na inyong ipinadama sa amin sana po ay hindi kayo magsawa na asikasuhin kami kahit minsan ay nagiging pasaway kami at nagiging sakit sa inyong ulo ay lagi nyo pong tatandaan na mahal namin kayo.Tunay nga na progresibo na ang ating paaralan at nakakatuwang unti-unti na itong nakikilala sa lahat nang kompetisyon na nilalahukan nito at tunay na hindi ito nagpapahuli, mga bagay na nasaksihan ko at proud akong sabihing naging isa ako sa tagapagtaguyod ng pangalan ng San Jose NHS ngunit kung mayroon mang taong dapat pasalamatan sa likod ng maraming magagandang balita tungkol sa sintang paaralan ay walang iba kundi ang ating pinakamamahal na punong guro, si Ginoong Alfredo Delizo Lopez, sir salamat po! Para sa lahat, lahat na inyong ginawa upang baguhin ang San Jose NHS, maaari na hindi ganoong kadali ang mga bagay para sa inyo at sa amin ay ginawa n'yo parin ang inyong trabahong ipatupad ang kaayusan at disiplina sa inyong nasasakupan at ito ay magsisilbing pabaon sa bawat isa sa amin.
Sa kinikila naming pangalawang magulang na nag aruga at tumulong sa mga mga nanay at tatay namin na hubugin kami sa loob ng apat na taon sa sekundarya, walang iba kundi ang mga minamahal naming guro na itinuring narin namin na isang kaibigan, kapatid at madalas ay magulang na nagbibigay payo, suhestyon at kung minsan pa ay sermon upang gisingin ang natutulog naming disiplina at imulat kami sa katotohanan ng buhay na puno ng iba't-ibang karera, sila ang katuwang ng aming mga magulang sa pagtatanim sa aming puso't isipan tungkol sa tunay na sikreto at kahalagahan ng EDUKASYON. Sa mga guro ko sa Values na nagturo sa amin ng tunay na kaganapan, sa mga guro ko sa T.L.E. na nagmulat sa amin sa mundo ng teknolohiya, sa mga guro namin sa Araling Panlipunan na dinala at inilibot ang aming malilikot na isipan sa mundo ng mga kasaysayan at realidad ng ekonomiya, sa mga guro ko sa MAPEH na sinaklaw ang apat na elemento nito upang hubugin ang bawat isa sa amin, sa mga guro ko sa Agham na nagturo kung paano tuklasin ang mga bagay na hindi lang nasasaklaw ng aming isip at mga mata, sa mga gurong tagapayo ko sa Matematika na pinatunayan na ang asignatura na ito ay kapaki-pakinabang sa lahat ng pagkakataon, at syempre sa aking guro pagdating sa pakikipagtalastasan sa Ingles at Filipino na gumamit ng mga kanilang kahanga hanga at epektibong stratehiya ng pagtuturo, MARAMING SALAMAT PO sa inyong lahat, kulang po ang isang pad ng yellow paper para ilahad ko sa inyo kung paano binibigyan ng dekalidad na edukasyon ng San Jose NHS ang lahat ng mga mag-aaral nito sa pamamagitan ng mga dekalibre at maaasahang guro na talaga nga namang subok na sa larangan ng TOTOO at may PUSONG PAGTUTURO.
Sa lahat ng mga kapwa ko nagsipagtapos, ang tunay na laban para sa ikatatagumpay ng bawat isa tungo sa ating kaganapan ay hindi nagtatapos sa apat na sulok nang ating paaralan at maging sa lugar ding ito. Kundi, ang pagtatapos na ito ay isang hudyat pa lamang nang pagsisimula para sa mas malawakang paghahanda natin sa panibagong yugto ng ating buhay-ang KOLEHIYO. Ang lahat ng ating natutunan sa loob ng apat na taon ng ating pag aaral ay huwag sanang maibaon sa ating mga baul, bagkus ay baunin at gamitin ito sa mas lalong pagpaunlad ng ating mga sarili at pati rin ng ating kapwa sa MABUTI at WASTONG PAMAMARAAN hindi lamang sa aspetong pisikal, mental o emosyonal kundi maging espiritwal din. Lagi nating baunin ang kaisipan na: "mahalagang magkatuwang ang puso't isipan sa pagtahak ng tuwid na landas, ngunit ang di balanseng pag gamit nito ay laging may epektong masama di lamang sa atin". Sa ating mga problema, huwag nating hanapin agad ang masamang epekto nito kundi ang kabutihan kung bakit natin ito nararanasan at mula rito ay magiging madali ang lahat. Matuto tayong ngumiti at magrelax sa panahon na alam nating kailangan nito ngunit HUWAG SOBRAHAN! Huwag kalimutan ang 90/10 Principle ni Stephen Covey at John 3:16. Mas masarap maglakbay kapag mayroon tayong mapa at kompas at huwag nating kalimutan ang magagandang bagay na ating natutunan mula sa ating mga iiwanang paaralan, guro at mga kaibigan, sila mandin ay maaaring magsilbing sandigan at kalakasan natin kapag dumating ang oras na kailangan nating subukan ang mga bagay na dati nating kinatatakutan upang mas lalong paunlarin ang ating sarili. Muli ay binabati ko ang lahat nang aking kapatid na nagsipagtapos. Salamat sa pagbabasa at mabuhay tayong lahat.
No comments:
Post a Comment